Ismol But Teribol

Ang mga bubuyog ay isa sa mga napakaraniwang insekto sa lupalop ng daigdig. Maraming katangian ang mga bubyog na nakapagdudulot ng kasamaan at kabutihan na pinakikinabangan ng sangkatauhan. Ang bubuyog ay kilala sa pagiging abala. Insektong walang gustong gawin kundi magtrabaho at kumayod buong araw. Isang nilalang na maihahalintulad natin sa mga Pilipino. Ang mga bubuyog ay maiingay na hindi mawawaring kapansin-pansin sa mga mamamayang Pilipino. Kahit na nagtatrabaho ay panay ang chismis at ngawa ng bibig. Kung kaya minsan,nakakarinig ang pinaparinggan ng mga bagay na hindi niya dapat napakinggan, hindi po ba? Samakatuwid, nakapagdudulot ito ng pagka-irita at away. Munti man ito sa ating paningin, subalit huwag itong maliitin. Katiting kung ito’y dumating, ngunit ito’y tumusok ay nakakaramdam tayo ng hapdi. Kagaya nating mga Pinoy, maliit man tayo sa paningin ng iba, tayo rin ay kahila-hilakbot at hindi basta-basta. Nakakasakit kung nag-iisa at nakakamatay kung sama-sama.
            Bagamat sa pagiging matapang, kahindik-hindik ang mga bubuyog kung teritoryo nito’y iyong gagambalain. Wari nga’y huwag mo na silang guluhin kung ayaw mong umuwi ng singkit at namamaga ang magkabilang pisngi, Ganyan tayong mga Pilipino, hindi ba? Minana pa nga natin ito mula sa ating mga kanunu-nunuan. Sa mga dakilang bayani natin na nakipagbaka at lumaban para sa ating kalayaan. Buong lakas at puso nating hinamon ang mga lumapastangan sa ating mga minamahal. Kung ang ating karapatan ay sinusubukan, tayo’y naghihimagsik. Ika nga “Magkakamatayan muna tayo bago ninyo makuha ang pamamahay na ito!”
            Ang pamilyang Pilipino ay sama-sama sa anumang bahagi at uri ng pagsubok sa buhay. Kapit-bisig tayo at nakasandal sa isa’t-isa gaya ng isang kuyog ng bubuyog. Ang bawat isa ay okupado sa mga Gawain. Walang sinasayang na oras at hindi nagliliwaliw para maka-ipon ng sapat na pagkain para sa kanilang kolonya. Dugo’t pawis ang iniaalay ng ating mga magulang mailaan lang sa atin ang ating mga pangangailangan at minsan nga’y mga kagustuhan na. Tunay nga itong maka-Pilipino. Palipa’t-lipat ng mga lugar na maaring mapasukan, mabuhay lang ang pamilya. Dumadapo sa lahat ng oportunidad hanggang maabot ang rurok ng tagumpay. Matiyaga sa mga hadlang at sa wakas, ay malalasap natin ang tamis ng tagumpay.
            Ang mga bubuyog ay isang representasyon ng ating pagka-Pilipino; masipag at walang inuurungan. Nawa’y ating ipagpatuloy at paunlarin ang mga mabubuting katangian ng isang bubuyog. Ating ipagaspas ang ating mga pakpak ngunit, huwag nating kalimutang panatilihin ang ating mga paa sa lupa. Katulad ng matamis na nektar, sana’y manatili tayong kapaki-pakinabang sa ating kolonya: ang ating bansang Pilipinas. Huwag natin silang hayaan na angkinin ang ating yaman at teritoryo! Wala silang karapatang maliitin tayo! Kung tayo’y sama-sama ay nakakamatay at nakakabaliw ang ating kamandag. Maliit man tayo sa kanilang mga mata, laging tandaan na ang maliit ay nakakapuwing din!

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

My MedTech Journey